FEU Tamaraws walang balak bumitaw sa pagiging No. 1
MANILA, Philippines - Matapos makapasok sa Final Four, ang pagtutuunan ng FEU Tamaraws ngayon ay ang number one spot sa 78th UAAP men’s basketball.
Kalaro ng Tamaraws ang Adamson Falcons sa ganap na ika-2 ng hapon hanap ang ika-10 panalo matapos ang 11 laro upang makalayo pa sa pumapangalawa at semifinalist na ring UST Tigers.
May walong sunod na panalo ang FEU ngunit hindi ibababa ng Tamaraws ang kanilang ipinakikitang laro para hindi masira ang kanilang momentum.
“Hindi namin iniisip na nasa Final Four na kami. Ang mahalaga sa amin ay lagi kaming naka-focus sa mga laro,” wika ni FEU coach Nash Racela.
Ang Falcons ay talsik na pero hindi sila puwedeng ‘di seryosohin lalo pa’t galing sila sa 75-74 panalo sa La Salle Archers sa huling laro.
Pagsisikapan ng nagdedepensang National University Bulldogs ang palakasin pa ang nanga-nganib na kampanya sa pag-asinta ng panalo sa Archers sa ikalawang laro dakong alas-4 ng hapon.
May 4-7 baraha ang Bulldogs at kailangan nilang maipanalo ang nalalabing tatlong laro para magkaroon pa ng tsansang umabot sa Final Four.
Sina Gelo Alolino at Alfred Aroga ang mga kakamada uli sa NU ngunit kailangan nila ng suporta ng ibang kakampi dahil tiyak na ibubuhos ng Archers ang kanilang nalalaman sa court para patingkarin din ang paghahabol ng puwesto sa Final Four.
May 5-5 karta ang Archers at ang isa pang kabiguan ay magbubukas ng pintuan hindi lamang sa NU kungdi pati sa UE Warriors at UP Maroons na makapasok sa susunod na round. (AT)
- Latest