UP tangka ang 2-0
MANILA, Philippines – Masisilayan kung ano ang epekto ng hindi pag-lalaro ng mahabang panalo sa paghaharap ng UP Lady Maroons at Coast Guard Lady Dolphins sa Shakey’s V-League Season 12 Reinforced Conference ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Ikalawang sunod na panalo ang makukuha ng Lady Maroons kapag tinalo ang Coast Guard Lady Dolphins sa ganap na ika-12:45 ng hapon.
Tinalo ng UP ang Navy Lady Sailors, 19-25, 25-23, 25-23, 25-23 sa unang laro noon pang Oktubre 10 para saluhan ang Army Lady Troopers at PLDT Home Ultera Fast Lady Hitters sa unang puwesto sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at handog ng PLDT Home Ultera.
Tiyak naman na ginamit ng UP ang mahabang bakasyon para ayusin pa ang takbo ng kanilang laro upang itulak pa ang Coast Guard sa ilalim ng team standings sa 0-3 marka.
Si Nicole Anne Tiamzon ay nagbalik sa koponan at humataw ng 14 puntos at aasahan siya na muling pangunahan ang koponan kasama ang iba pang mahuhusay tulad nina Isabel Molde at Marian Buitre.
Ang dalawang linggong pahinga ay tiyak na nakatulong din para bumalik ang timing sa laro ni Kathy Bersola na nagkaroon ng ACL injury noong nakaraang taon pero unti-unting bumabalik at naghatid ng walong puntos sa unang opisyal na laro laban sa Coast Guard.
Ang beteranang si Rossan Fajardo ang huhugutan ng lakas ng Coast Guard ngunit kailangang itaas pa ng ibang kasamahan ang antas ng paglalaro para gumanda ang tsansang makaisang panalo sa huling conference ng liga sa 2015.
- Latest