Tamaraws gusto nang makasiguro
MANILA, Philippines – Pagkakataon ngayon ng FEU Tamaraws ang masilo na ang puwesto sa Final Four sa pagpapatuloy ng 78th UAAP men’s basketball sa Smart Araneta Coliseum.
Ikalawang laro dakong alas-4 ng hapon sasalang sa aksyon ang Tamaraws kontra sa UE Warriors at ang ikasiyam na panalo matapos ang 10 asignatura ang magbibigay ng upuan sa semifinals.
Unang laro sa ganap na ika-2 ng hapon ay sa pagitan ng La Salle Archers at Adamson Falcons at balak ng una na tumabla sa Ateneo Eagles sa mahalagang ikatlo at ikaapat na puwesto sa 6-4 baraha.
“We still have to work on a lot of things and we can’t be complacent,” wika ni Tamaraws coach Nash Racela.
May pitong sunod na panalo ang Tamaraws pero hinahanap pa rin ni Racela ang consistency sa kanyang mga bataan.
Umani ng 92-81 panalo ang FEU sa UE sa unang pagtutuos pero hindi nila puwedeng biruin ang Warriors na sa 3-6 baraha ay nangangailangan ng panalo para umabot pa sa Final Four.
May 1-9 baraha ang Falcons para mamahinga na pero maaaring makatulong ito para lumabas ang galing ng manlalaro lalo pa’t wala nang pressure kung sila ay maglalaro.
Sina Jeron Teng, Thomas Torres at Jason Perkins ang mga magtutulong para ibigay sa Archers ang pangalawang dikit na panalo at momentum patungo sa susunod na mabigat na laro laban sa nagdedepensang kampeong National University Bulldogs.
- Latest