Tautuaa, Rosario masusubukan sa TNT vs alaska
MANILA, Philippines - Matapos ang nagdedepensang San Miguel, ang Talk ‘N Text ang ikalawang koponang binanggit na top favorite para sa PBA Philippine Cup.
“Sinasabi nila na we’re still the team to beat, but for me, I think Talk ‘N Text and Ginebra are the teams to beat,” sabi ni Beermen coach Leo Austria sa Tropang Texters at Gin Kings.
Bakit nga naman hindi katatakutan ang Tropang Texters ngayong komperensya matapos makuha si 6-foot-7 Fil-Tongan Moala Tautuaa bilang No. 1 overall pick sa nakaraang 2015 PBA Rookie Draft bago hinablot si No. 2 pick Troy Rosario mula sa Mahindra (dating Kia) sa pamamagitan ng trade.
Sina Tautuaa at Rosario ay mga miyembro ng training pool ng Gilas Pilipinas na sumabak sa nakaraang Jones Cup sa Taiwan at sa FIBA Asia Championship sa Changsha, China.
Nakuha rin ng Talk ‘N Text sa mga trades sina Dylan Ababou at Denok Miranda at ang free agent na si Larry Rodriguez.
Ang Alaska Aces ang unang susukat sa lakas ng Tropang Texters sa kanilang banggaan ngayong alas-7 ng gabi matapos ang bakbakan ng Blackwater at NLEX sa alas-4:15 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.
Hangad ng apat na koponan na masundan ang 96-87 come-from-behind victory ng Rain or Shine laban sa Star noong Miyerkules sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Muling aasahan ni coach Jong Uichico para sa Tropang Texters sina Jayson Castro, Ranidel De Ocampo, Ryan Reyes at Kelly Williams, habang sasandalan ng Aces sina Calvin Abueva, Sonny Thoss, Dondon Hontiveros, Vic Manuel at JVee Casio.
Samantala, ipaparada ng Road Warriors ang dating Tropang Texters guard na si Kevin Alas bukod pa kina Sean Anthony at Rob Reyes at itatampok ng Elite sina veteran playmaker Mike Cortez at rookies Arthur dela Cruz, Jr., Almond Vosotros, Keith Agovida at Jason Melano.
- Latest