Accel Quantum-3xVI UAAP Press Corps Player of the Week
MANILA, Philippines – Bilang isang beterano ay alam ni Mark Belo kung kailan siya dapat umarangkada para matulungan ang FEU Tamaraws na manalo.
Ipinakita niya ito sa laro laban sa UP Maroons noong nakaraang Miyerkules para makaiwas ang Tamaraws na maisahan ng katunggali tungo sa 68-57 panalo.
Ibinagsak ng 6’4” manlalaro na kasama sa national men’s team na nanalo ng ginto sa Singapore SEA Games, ang siyam sa kanyang 12 puntos nang paka-walan ng FEU ang 18-2 palitan matapos manakot ang Maroons sa pagdikit sa 45-44 iskor.
Ito na ang ikapitong sunod na panalo ng FEU para sa nangungunang 8-1 karta. Kapantay ng koponan ang UST Tigers at pareho silang nangangailangan na lamang ng isang panalo upang makasiguro na sa Final Four.
“Marami pa ring dapat ayusin. Ang ibang teams ay nag-a-adjust kaya kailangang mag-adjust din kami,” wika ni Belo sa mga dapat gawin sa hu-ling limang laro sa elimination round.
Dahil sa magandang liderato na ipinamalas, si Belo ang siyang binigyan ng ACCEL Quantum/3XVI-UAAP Press Corps Player of the Week.
Tinalo ni Belo sina Kiefer Ravena ng Ateneo Eagles at Kevin Ferrer ng UST Tigers na nakitaan din ng magandang laro para magsipagwagi ang kanilang mga koponan. (AT)
- Latest