UAAP games kanselado rin
MANILA, Philippines – Dahil itinaas sa Metro Manila ang signal number 2 dahil sa bagyong Lando kaya’t ipinagpaliban ng UAAP ang mga laro sa iba’t ibang sports events na nakahanay kahapon.
Ang aksyon sa men’s at women’s basketball, table tennis at men’s at women’s beach volley ay inilipat sa ibang araw para hindi maapektuhan ang mga manlalaro at manonood dala ng masungit na panahon.
Ikakalendaryo pa ang mga aksyon sa basketball na kung saan ang UE at UP ang unang magpa-panagpo bago sundan ng FEU at La Salle sa men’s division.
Sa kalatas ni event coordinator sa table tennis na si Rodrigo Roque ay gagawin ang mga nakanselang laro kahapon sa Oktubre 24 habang ang aksyon sa beach volley ay itutuloy ngayong umaga kung gaganda na ang panahon.
Magtutuos ang Ateneo Lady Eagles at La Salle Lady Archers sa semifinals ng women’s division sa ganap na ika-8 ng umaga at ang mananalo ang makakalaro ng FEU Tamaraws.
Galing sina Alyssa Valdez at Bea Tan sa 21-16, 24-22, panalo sa tambalan nina Kim Fajardo at Cyd Demecillo noong Sabado para masagad ang twice-to-beat advantage ng number two seed na La Salle.
Sina Bernadeth Pons at Kyla Atienza ng FEU ay nasa Finals na at ang Game One sa best-of-three series ay gagawin ngayong alas-9 ng umaga. (AT)
- Latest