Tigers kumuha ng playoff sa Final 4
MANILA, Philippines – Naipaghiganti ng UST Tigers ang natatanging pagkatalo matapos paamuin ang nagdedepensang National University Bulldogs, 65-57, sa 78th UAAP men’s basketball kagabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Sina Kevin Ferrer, Karim Abdul at Ed Daquioag ay tumapos taglay ang tig-13 at 10 puntos.
Si Ferrer ay may 10 rebounds pa upang maisantabi ang 55-54 pagkatalo sa unang pagtutuos sa Bulldogs at pantayang muli ang FEU Tamaraws sa liderato sa 8-1 karta.
Sina Ferrer, Abdul at Daquioag ang nagkapit-bisig sa huling 1:01 ng labanan para hindi maapektuhan ng pagdikit ng Bulldogs sa 56-57 sa buslo ni Rodolfo Alejandro.
Nakatiyak na rin ang Tigers at Tamaraws ng playoff sa Final Four dahil ang NU ay bumaba sa 3-6 karta at ang best finish na puwedeng maitala sa elimination round ay hanggang walong panalo lamang.
Si Gelo Alolino ay may 20 puntos, habang si Alfred Aroga, ang bida sa panalo sa unang pagtutuos, ay may 14 puntos at 17 rebounds ngunit ang bench players ay malamya ang ipinakita sa pinagsaluhang 14 puntos.
Naibalik naman ng Ateneo Blue Eagles ang kanilang angas sa paglalaro sa 87-72 panalo konra sa Adamson Falcons.
Nagtala ng 20 puntos, 11 assists at 8 rebounds si Kiefer Ravena, habang sina Von Pessumal, Aaron Black at Gwyane Capacio ay may 17, 14 at 13 puntos para putulin ng Ateneo ang dalawang sunod na pagkatalo at makasalong muli sa La Salle Green Archers.
Sa ikatlong yugto tuluyang lumipad ang Blue Eagles nang kunin ang 29-17 palitan para lumamang ng 21 puntos, 79-58, at itulak ang Falcons sa 1-8 baraha.
UST 65 - Abdul 13, Ferrer 13, Daquioag 10, Bonleon 8, Vigil 8, Lao 7, Lee 6, Faundo 0, Sheriff 0, Subido 0.
NU 57 - Alolino 20, Aroga 14, Alejandro 7, Javelona 6, Diputado 4, Celda 2, Salim 2, Tansingco 2, Abatayo 0, Javillonar 0, Morido 0, Neypes 0.
Quarterscores: 20-14; 35-23; 51-40; 65-57.
- Latest