Nietes asam ang knockout win
CARSON, California – Alam ni WBO light flyweight champion Donnie Nietes ang mangyayari kapag napabagsak niya si Mexican challenger Juan Alejo ngayon dito sa StubHub Center.
Isa na rito ay ang pag-akyat niya sa flyweight division kung saan may malalaking laban na naghihintay sa kanya.
“Dapat impressive ang panalo ko,” ani Nietes sa bisperas ng kanyang unang laban sa United States.
Inamin ni Nietes, ang longest-reigning Filipino world champion, na pangarap niyang makalaban sa isang malaking boxing card sa US.
“Tingnan natin,” wika ni Nietes, may bitbit na 36-1-4 win-loss-draw ring record kasama ang 21 knockouts.
Ito ang magiging pang-walong pagtatanggol ni Nietes sa kanyang hawak na WBO title na susubukang agawin ni Alejo ((21-3-0, 13 KOs).
Tumimbang si Nietes ng 107.8 lbs, habang si Alejo, dalawang pulgada ang tangkad sa Filipino champion, ay may bigat na 107.4 lbs sa kanilang weigh in.
Matapos ito ay nagpormahan ang dalawang fighters sa harap ng mga camera kasabay ng pagsasalita ni ring announcer Jimmy Lennon Jr.
“Bakbakan na,” sabi ni Nietes matapos kumain ng pasta, nilagang itlog at saging.
Walang ibinigay na prediksyon si Nietes kung ano ang mangyayari sa laban nila ni Alejo.
“Bukas na lang. Basta mag-e-enjoy ang tao,” sabi ni Nietes, ang tanging Filipino world champion.
- Latest