Back-to-back win asam ng Cignal
MANILA, Philippines – Dudugtungan pa ng Cignal HD Lady Spikers ang panggugulat na naitala sa pagbubukas ng 2015 Philippine SuperLiga (PSL) Grand Prix women’s volleyball sa pagharap sa Philips Gold ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Kalaro ng koponang hawak ni coach Sammy Acaylar ang Philips Gold at ang makukuhang panalo ang maglalagay sa Cignal sa solo-liderato sa ligang inorganisa ng SportsCore at handog ng Asics at Milo bukod sa suporta ng TV5.
Magsisimula ito matapos ang tagisan ng Petron Lady Blaze Spi-kers at Meralco Power Spikers sa ganap na ika-4:15 ng hapon.
Tiyak na mainitan ang bakbakan sa hanay ng nagdedepensang kampeong Lady Blaze Spikers at Power Spi-kers dahil pareho silang talo sa kanilang mga unang asignatura.
Ang Cignal ang dumiskaril sa hangad na magandang panimula ng Petron nang bumangon ang koponan mula sa pagkatalo sa unang dalawang sets tungo sa 18-25, 17-25, 25-16, 25-18, 16-14.
Bagsak naman ang Meralco sa kamay ng Foton Tornadoes sa 23-25, 22-25, 16-25.
Si Ariel Usher ay nagpaulan ng 29 kills tungo sa 31 puntos ngunit nakatulong niya ang baguhan ding si Fritz Joy Gallenero na may 12 kills tungo sa 14 puntos para kunin ng koponan ang 64-50 bentahe.
“Mahuhusay ang mga imports ko at may leadership sila. Alam kong paghahandaan na kami ng ibang teams pero naghahanda rin kami. Kailangan lamang magpatuloy ang team work,” wika ni Acaylar.
Ang Lady Slammers ay ipaparada ang mga US imports na sina 6’5” Ale-xis Olgard at 5’11” Bojana Todorovic bukod pa kay Fil-Am setter Lindsay Dowd para palakasin ang puwersa na dating ibi-nibigay nina Myla Pablo, Michelle Gumabao at Desiree Dadang.
Aasa naman si Petron coach George Pascua na ibubuhos ng koponan ang laro mula simula hanggang sa matapos ang labanan para makaiwas na malaglag sa 0-2 karta.
Lumamya ang depensa ng koponan sa ikatlong set na dahilan upang magkaroon ng kumpiyansa ang Cignal na hindi napigilan para sa masamang panimula ng Petron na hanap ang ikatlong sunod na titulo sa liga. (AT)
- Latest