Tillor, Sorongon kampeon sa Cebu leg ng Milo
CEBU CITY, Philippines – Isang pamilyar sa ruta at isang gusto lamang makilala ang kanyang idolo ang nagkampeon sa Cebu leg ng 39th National Milo Marathon kahapon dito.
Nagtala si Noel Tillor ng oras na 01:14:46 para unahan sina Narceso Deterala (01:16:36) at Adonis Singson (01:17:29) sa men’s 21-kilometer event.
Si Ruffa Sorongon ay nagposte naman ng 01:29:05 para talunin sina Miscelle Gilbuena (01:32:04) at Lizane Abella (01:42:58) sa women’s category.
Sinamantala ng 30-anyos na si Tillor, isang local mechanic sa Cebu, ang pagiging pamilyar niya sa ruta para ibulsa ang premyong P10,000.
Nagdesisyon naman si Sorongon, isang full-time runner mula sa Davao, na lumahok sa Cebu leg para makilala ang kanyang iniidolong si Mary Joy Tabal.
Si Tabal ay ang Milo Marathon Queen at silver medalist sa nakaraang 28th Southeast Asian Games sa Singapore.
Nagkampeon si Sorongon noong 2013 sa General Santos leg at noong 2014 sa Bohol.
Ibinulsa ni Sorongon ang premyong P10,000 at puwesto para sa Milo National Finals sa Disyembre 6 sa Angeles, Pampanga.
Ang tatanghaling Milo Marathon King at Queen ay ipapadala sa USA para sa tsansang makalahok sa 2016 Boston Marathon.
Mula sa Cebu ay dadalhin ang Milo Marathon sa General Santos (October 18), Davao (November 8), Butuan (November 15) at sa Cagayan De Oro (November 22).
- Latest