Viloria determinadong pabagsakin si Gonzalez
MANILA, Philippines - Ito ang magiging pinakamalaking laban ni Fil-American Brian Viloria sa kanyang career at tiniyak ng tinaguriang ‘Hawaiian Punch’ na handa siyang pabagsakin ang Roman Empire sa kanilang 12-round bout ng wala pang talong si WBC flyweight champion Roman (Chocolatito) Gonzalez ng Nicaragua sa Madison Square Garden sa New York City sa Oct. 17.
“Training was great----one of, if not, the best I’ve had,” wika ni Viloria sa kanyang text message kahapon mula sa Los Angeles. “I’m more confident than ever but I need to be smart and physical in the fight. One thing that will lead me to victory is to put pressure and push Roman back.”
Hinawakan ng 34-anyos na si Viloria ang WBC/IBF lightflyweight at WBA/WBO flyweight titles ngunit ngayon ay walang bitbit na cham-pionship belt.
Determinado siyang agawan ng korona si Gonzalez subalit hindi ito magiging madali.
Ang 28-anyos na si Gonzalez ay hindi nakalasap ng kabiguan nang lumalaban sa amateur sa kanyang 88 fights at maging sa professional kung saan dala niya ang 43-0 record, kabilang ang 37 KOs.
Nagkampeon ang Nicaraguan sa tatlong weight divisions at matapos ang pagreretiro ni Floyd Mayweather ay tumaas sa No. 1 sa The Ring Maga-zine’s pound-for-pound ladder kung saan nasa No. 8 si Manny Pacquiao.
Naipanalo ni Gonzalez ang kanyang huling siyam na laban sa pamamagitan ng knockout.
Ang dalawa dito ay sina Filipino boxers Rocky Fuentes at Juan Purisima. Ang isa pang Filipino knockout victim na si Eriberto Gejon ay pinatulog ni Gonzalez sa Tokyo noong 2007.
Siyam na panalo ang itinala ni Gonzalez sa Japan, anim sa Mexico at apat sa US.
Ang kanyang manager na si Carlos Blando Viduarre ay isang Nicaraguan, habang si Akihiko Honda ng Teiken outfit ng Japan ang kanyang promoter.
Sinabi ng manager ni Viloria na si Gary Gittelsohn na ilang taon ang kinailangan para maplantsa ang paghahamon ni Viloria kay Gonzalez.
“After decades of ignoring the lower weight divisions, HBO PPV is now offering a platform to showcase this bout,” wika ni Gittelsohn.
Ang Gonzalez-Viloria bout ay undercard ng main event sa bakbakan nina Genedy Golovkin ng Kazakhstan at David Lemieux ng Canada para sa IBF/IBO/WBA at interim WBC middleweight unification championship bout.
- Latest