Bulldogs gusto pang umangat
MANILA, Philippines – Ikatlong sunod na panalo ang target ng nagdedepensang kampeong National University Bulldogs habang maghihiwalay ng landas ang Ateneo Eagles at UST Tigers sa pagbabalik-laro ng 78th UAAP men’s basketball sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Susukatin ng Bulldogs ang UP Maroons sa ganap na ika-2 ng hapon at plano ng tropa ni coach Eric Altamirano na makumpleto ang pagbangon mula sa 0-3 start.
“It’s too early to tell if we have bounce back,” wika ni NU coach Eric Altamirano na nagposte ng mga panalo sa UST, 55-54 at Adamson Falcons, 75-54.
Ang Maroons ay may dalawang dikit na talo matapos buksan ang kampanya sa dalawang dikit na panalo.
“They dropped their last two games but UP won’t be a walk in the park. They work hard in every possessions and we have to play defense,” dagdag pa ni Altamirano.
Ang lakas ni Alfred Aroga sa ilalim ang isa sa kakapitan pa ng NU upang maitabla ang baraha.
Mainitan din ang labanan sa tampok na laro dakong alas-4 sa banatan ng Eagles at Tigers.
Ito ay dahil sa ang magwawagi ay makakasalo sa itaas ng standings kasama ang pahingang FEU Tamaraws sa 4-1 baraha.
May tatlong sunod na panalo ang Eagles at naniniwala si coach Bo Perasol na magpapatuloy ang magandang ipinakikita ng kanyang manlalaro.
“I think we’ve gotten our bearing,” wika ni Perasol na aasa uli kay Kiefer Ravena bukod sa suporta ng mga kakampi sa pangunguna ni Von Pessumal.
Sa kabilang banda, babangon naman ang Tigers matapos lasapin ang unang pagkatalo sa NU, 54-55 nang maipasok ni Aroga ang krusyal na fade-away jumper.
Tiwala rin si UST coach Segundo dela Cruz na makakabalik ang koponan lalo pa’t sa breaks lamang natalo ang koponan sa huling laro.
Isang manlalaro na tiyak na maghahanda nang husto sa larong ito ay si Ed Daquioag na nagkaroon lamang ng siyam na puntos matapos maghatid ng 25 puntos sa naunang tatlong sunod na panalo. (AT)
- Latest