Suspension pa more!
MANILA, Philippines - May dagdag na kaparusahan ang mga sangkot sa rambulan sa pagitan ng ilang players ng Perpetual Altas at Emilio Aguinaldo College Generals noong Martes.
Kahapon ay pinatawan ng NCAA Management Committee ng dagdag na two-game suspension sina Nick Cabiltes ng Perpetual at Raymund Pascua ng EAC dahil sa suntukan nila sa labas ng The Arena sa San Juan City matapos ang 89-59 paglampaso ng Altas sa Generals.
Nauna nang pinatawan sina Cabiltes, Pascua at Enjerico Diego ng one-game suspension dahil sa girian nila sa huling 1:28 minuto ng kanilang laro.
Sa imbestigasyon din ng NCAA ManCom ay napatunayan na nakihalo din sa gulo si Altas’ forward Nestor Bantayan.
Maliban kay Bantayan ay sinuspinde rin ng isang laro si EAC import Sydney Onwubere.
Sina John Ylagan at Flash Gordon Sadiwa ng Perpetual ay binigyan naman ng babala ng ManCom.
“We hope these suspensions serve as warning that the NCAA will not condone violence on and off the court,” sabi ni NCAA ManCom chairman Melchor Divina ng Mapua.
Samantala, sinandigan ng Lyceum Pirates si Came-roonian import Jean Victor Nguidjol para pabagsakin ang Generals, 59-45 at ilista ang 4-12 baraha sa kanilang ‘no-bearing game’ kahapon.
Humakot ang 6-foot-9 na si Nguidjol, bulag ang kaliwang mata, ng 16 points, 14 rebounds at 2 blocks para banderahan ang Pirates.
Napatalsik naman sa laro si Jefferson Mallari ng Generals nang ipitin ang ulo ni Nguidjol sa dulo ng first half.
Sa juniors’ division, tinakasan ng Lyceum Junior Pirates ang Brigadiers sa overtime, 95-90, at tinalo ng St. Benilde Junior Blazers ang San Sebastian Staglets, 87-57.
LYCEUM 59 - Nguidjol 16, Ayaay 10, Baltazar 7, Sunga 4, Lacastesantos 4, Taladua 4, Alanes 3, Gabayni 3, Malabanan 2, Elmerjab 2, Bulawan 2, Marata 2.
EAC 45 - Munsayac 11, Mejos 10, Hamadou 10, Estacio 6, General 4, Bonleon 3, Mallari 1.
Quarterscores: 12-6; 22-25; 39-38; 59-45.
- Latest