Mga lider at sports
Next year na gagawin ang Rio Olympics pero ang trackster na si Eric Cray pa lang ang Pinoy na nag-qualify.
Marami pang Pinoy athletes ang nagsisikap na makapasok sa Olympics pero mailap ang pagkakataon para sa kanila.
Si Cray ay ipinanganak sa Olongapo, pero siya ay lumaki na sa Texas sa Estados Unidos. Ang kanyang ama ay isang Amerikano at ang kanyang ina ang purong Pilipina.
Siya ang may hawak ng national at SEA Games record sa 400m hurdles (49.40 secs). Pero nagsumite si Cray ng 49.12 seconds sa isang tournament sa Los Angeles noong Mayo kaya Olympic qualifying standard para katawanin ang Pilipinas sa Rio Olympics.
Nakakalungkot, pero sa mga nagdaang Olympic, unti-unti na ring nababawasan ang mga atletang inilalaban sa Olympics.
Hindi na kasi binibigyang importansiya ng ating mga lider ang sports. Ang huling pangulo na nagpalakas sa sports ay si Fidel V. Ramos.
Sana ay magkaroon ng malaking puwang ang sports sa mga pipiliin natin na susunod na mga lider ng bayan.
Sa mga balitang nagnanais na tumakbo sa May elections, ilan sa kanila ay maituturing na sportsman at woman.
Si Mar Roxas na napiling manok ni Pangulong Aquino ay mahilig sa golf. Kaya lang ay nagkaroon siya ng negatibong eksena sa Wack Wack nang ipilit niyang isama sa round ang kanyang teaching pro na hindi pinahintulutan ng management. Siya ay nasuspinde ng dalawang buwan sa itinuturing na gentleman’s at honest man’s game.
Si Sen. Grace Poe naman ay isang blackbelter sa taekwondo. Siya ay nag-aral sa ilalim ni Grand Master Sun Chong Hong, ang itinuturing na ama ng taekwondo sa Pilipinas. Nagwagi siya ng silver medal sa isang national tournament noong kalagitnaan ng Dekada 80.
Si Sen. Chiz Escudero naman ay mahilig sa shooting o gun sport. Isa din siyang siklista. Ayon sa kanya, nagtangka din siyang maglaro ng basketball pero pansamantalang tumigil dahil siya daw ay medyo ‘may kalakihan.’
Si VP Binay naman ay sinasabing mahilig sa chess at isang opisyal ng badminton. Kaya lang hindi nakapamayagpag ang Makati noong siya pa ang mayor ng lungsod sa Pa-larong Pambansa at Philippine National Games.
Kung isa sa kanila ang susunod na pangulo, sana ay pagtuunan din nila ng pansin ang sports dahil dito lang natin madalas nararamdaman ang pagiging Pilipino.
Sa sports din tayo nagkakaroon ng pagkakaisa dahil sa sama-samang pagsuporta sa ating mga pambatong atleta.
- Latest