Alcantara nasa 4th round na
MANILA, Philippines – Nakabangon si Francis Casey Alcantara sa masamang first set para hatakin ang 6-4, 6-2 panalo kontra kay Joel Atienza para umusad sa fourth round ng 34th Philippine Columbian Association Open-Cebuana Lhuillier Wildcard Event na ginaganap sa PCA Plaza Dila clay courts sa Paco, Manila.
Matapos mahirapan sa first set sa power serves at malalakas na forehand ni Atienza, nakabawi ang 23-gulang na si Alcantara sa kanyang paglapit sa net para pahabulin ng bola ang kalaban.
“He has a strong serve and forehand so I was forced to adjust my game a little by making him run for those balls,” sabi ni Alcantara.
Ang panalo ni Alcantara ay nagtakda ng kanyang pakikipagharap kay Roel Capangpangan-Kristian Tezero.
Dinispatsa naman ni Johnny Arcilla si Abson John Alejandre, 6-1, 6-0 para manatiling buhay ang kampanyang makopo ang ikawalong titulo sa torneo.
Sunod na kalaban ng 35-gulang na si Arcilla ay si Arhtur Craig Pantino na nanalo kay Kyle Parpan, 5-7, 6-2. 6-0 sa susunod na round.
Nakalusot din si No. 5 Rolando Ruel, Jr. at Ronard Joven na nanalo kina Leander Lazaro, 5-7, 6-1, 6-2 at Joven Waylaif Raymund Diaz, 6-1, 6-2, ayon sa pagkakasunod.
Ginulantang naman ni Noel Damian, Jr. si No. 15 Arcie Mano, 6-7 (8), 6-1, 6-2.
Ang finalists ng men’s singles ay may slot sa main draw ng 2015 Manila International Tennis Federation (ITF) Men’s Futures Leg 2 na magsisimula sa Oct. 2 habang ang mga players na aabot sa quarterfinals at semifinals ay papasok naman sa qualifying round. Tanging ang mananalo sa doubles division ang mabibigyan ng slot sa ITF main 16-pair main draw.
- Latest