Pogoy, Jose naasahan ng FEU
MANILA, Philippines – Nagtulong sina Roger Pogoy at Raymar Jose sa malaking run sa second half para ibigay sa FEU Tamaraws ang ikatlong panalo sa apat na laro sa 75-58 tagumpay laban sa UP Maroons sa 78th UAAP men’s basketball kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Pitong sunod na puntos ang ginawa nina Pogoy at apat kay Jose sa 11-0 bomba upang ang 40-43 iskor ay maging 51-43 kalamangan bago nagtulong sa walong puntos sa 12-0 run para itala ang pinakamala-king kalamangan sa laro na 16 puntos, 65-49 sa huling 2:07 ng labanan.
Sina Jose at Mike Tolomia ang nanguna sa FEU sa tig-11 at ang una ay mayroon pang 13 rebounds, habang ibinuhos ni Pogoy ang lahat ng kanyang 10 puntos sa second half para makasalo ang Tamaraws sa Ateneo Blue Eagles at UST Tigers sa pangunguna sa team standings.
Si Jett Manuel at Dario Diego ay naghatid ng 16 at 10 puntos para sa Maroons na natalo sa ikalawang sunod na pagkakataon matapos ang 2-0 panimula.
“We played sluggish in the first half but we played better in the second half. It started with our defense dahil nahirapan silang mag-execute sa second half,” wika ni Tamaraws coach Nash Racela.
Tumipa naman si Jeron Teng ng 18 puntos, 9 rebounds at 5 assists habang sina Tomas Torres at Julian Sargent ay may 16 at 11 puntos para wakasan ng La Salle Green Archers ang dalawang dikit na pagkatalo sa 88-71 pagdurog sa Adamson Falcons sa unang laro.
Mainit agad ang Archers at lumayo sa 24-10 sa unang quarter para maitabla na ang baraha sa 2-2.
Ang iba pang starters na sina Joshua Torrabla, JasonPerkins at Larry Muyang ay nagsanib sa 22 puntos bukod sa 23 rebounds. (AT)
- Latest