Alcantara, Lim at Arcilla pasok sa 3rd round ng PCA Open
MANILA, Philippines – Magkakasunod na nakapasok sina Francis Casey Alcantara, AJ Lim at Johnny Arcilla sa third round para samahan ang nagdedepensang si PJ Tierro sa 34th Philippine Columbian Association Open-Cebuana Lhuillier Wildcard Event kahapon sa PCA Plaza Dilao clay courts sa Paco, Manila.
Pinagulong ni Alcantara, ang dating Australian juniors doubles champion na naghari sa nakaraang Olivarez Cup, si Carlo Nono, 8-2, habang dinaig ni Lim, isang 16-anyos na ITF campaigner, si Rodolfo Barquin, 8-0.
Hindi naman pinawisan si Arcilla, ang eight-time winner ng nasabing annual event, matapos ang walkover win kay Chris Prulla.
Makakatapat ni Alcantara sa third round si Joel Atienza, nagtala ng 8-0 panalo kay Santino Vista, habang makakalaban ni Lim si Jimmy Tangalin, binigo si Michael Madrio, 8-3, at makakatapat ni Arcilla si John Alejandre sa event na suportado ng Cebuana Lhuillier, Puma, Dunlop, The Philippine Star, Head, Babolat, Compass/IMOSTI at ni Sarangani Congressman Manny Pacquiao.
Ang iba pang nanalo ay sina No. 3 Elbert Anasta, No. 6 Marc Anthony Alcoseba at No. 8 Ronard Joven na tumalo kina Jomari Guira, 8-2, Harry Caron, 8-4, at Jose Nicholas Cano, 8-3, ayon sa pagkakasunod.
Ang mga finalists sa men’s singles ay aabante naman sa main draw ng 2015 Manila International Tennis Federation (ITF) Men’s Futures Leg 2.
Ito ay ihahataw sa Oktubre 2.
- Latest