Ateneo lusot sa NU sa OT
MANILA, Philippines – Sinandalan ng Ateneo Eagles ang matatag na pulso ni Kiefer Ravena sa regulation at unang overtime bago naghatid ng mahalagang puntos si Nigerian center Chibueze Ikeh sa ikalawang overtime para sa 74-70 panalo laban sa nagdedepensang kampeon National University Bulldogs sa 78th UAAP men’s basketball kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Tumapos si Ravena taglay ang 21 puntos at ang kanyang dalawang matinding 3-pointers na nagpatabla sa regulation, 57-all at sa unang overtime, 62-all.
Habang pagod na ang lahat ay may nalalabing lakas pa ang baguhang si Ikeh na naghatid ng anim na krusyal na puntos bukod sa pagkontrol sa rebounding para sa ikalawang sunod na panalo ng Eagles matapos durugin ng FEU Tamaraws sa unang asignatura.
“What a way to win. It was a grind and Ikeh stepped up today,” wika ni Eagles coach Bo Perasol na nakaisa rin sa Bulldogs sapul nang maupo bilang head coach tatlong taon na ang nakalipas.
Si Ikeh ay tumapos bitbit ang 14 puntos at 17 rebound, 14 rito ay sa offensive glass.
May kontribusyon din sa panalo ang isa pang bagito na si Hubert Cani na inagawan si Gelo Alolino na nagresulta sa tres ni Ravena sa regulation.
May 16 segundo na lamang ang nasa orasan at bumalik ang bola sa Bulldogs dahil sa 5-seconds inbound violation ng Eagles.
Pero sa halip na protektahan ang bola ay nag-dribble pa si Alolino para sa krusyal na error.
Nagkaroon ng pagkakataon si Alolino na ma-kabawi sa unang overtime pero sablay ang kanyang jumper para sa ikalawang extention.
Nanguna pa rin si Alolino sa kanyang 19 puntos para sa Bulldogs na bumaba sa ikatlong sunod na pagkatalo.
Sinungkit din ng UE Warriors ang ikalawang dikit na panalo matapos ang tatlong laro sa pamamagitan ng 89-78 panalo sa Adamson Falcons sa unang labanan.
Kinargahan pa ng bagitong si Edison Batiller ang magandang ipinakikita sa liga sa kinuhang career-high na 23 puntos upang magpatuloy ang panggugulat ng UE na binubuo halos ng mga baguhang players.
“I was not surprised with how he’s playing. I saw what he can do,” pahayag ni UE coach Derrick Pumaren sa dating manlalaro ng Holy Trinity College sa General Santos City na si Batiller na may walong assists at anim na steals sa labanan. (AT)
- Latest