Petron Blaze Spikers hangad ang buwenamanong panalo
PHU LY, Vietnam -- Umaasa ang Petron na maitatala nila ang unang panalo sa 2015 AVC Asian Women’s Club Championship sa pagsagupa sa Islamic Azad University ng Iran mula sa pagbibida ni Brazilian import Rupia Inck Furtado dito sa Ha Nam Competition Hall.
Nauna nang nakalasap ang Blaze Spikers ng straight-set loss sa 4.25 Sports Club of North Korea, 13-25, 18-25, 11-25 sa pagbubukas ng torneo na nagsisilbing qualifier sa 2016 FIVB World Club Championship.
Kasalukuyang nilalabanan ng Petron ang Iran habang isinusulat ito at ang kabiguan ang lalo pang maglalagay sa kanila sa panganib.
Ang mga susunod nilang makakaharap ay ang mga bigating club teams na Zhejiang ng China sa Martes at ang reigning champion na Hisamitsu Seikayu Springs ng Japan sa Miyerkules.
Kung mangungulelat sila sa pool play sa Group B ay tuluyan nang mawawala ang tsansa ng Blaze Spi-kers sa korona at malalaglag sila sa labanan para sa pang-lima hanggang pang-siyam na puwesto.
Umaasa si Petron coach George Pascua na makakahugot siya ng magandang laro kay Furtado matapos itong magtala ng 7 points sa loob ng isang oras at 14 minuto laban sa North Korea.
“We had to make some major adjustments in our rotation to maximize the attacking prowess of Rupia,” wika ni Pascua na naglipat kay Furtado sa open position.
“Rupia is such a talented player. We know she’s headed for a big game that’s why we’re giving her the opportunity to explode. We just have to be patient and wait for that big game to come,” dagdag pa nito.
Bukod sa pagbabago ng posisyon ni Furtado, sinabi rin ni Pascua na dapat maging maganda ang kanilang receptions, quick sets at depensa para matapatan ang mga mas malalaking attackers ng Iran, China at Japan.
“We practically had no floor and net defense against North Korea,” wika ni Pascua. “That’s why we have to improve our diagonal defense against Iran. We also have to come up with quick plays to elude their tall blockers.”
“Let’s face it, winning over Iran is more realistic that winning over China or Japan. That’s why we have to make these adjustments early in the tournament to at least come up with a finish that is better than last year,” dagdag pa nito.
Muli ring sasandal si Pascua kina Dindin Manabat, Aby Maraño at Rachel Anne Daquis bukod pa kina Brazilian setter Erica Adachi, Frances Molina, Mina Aganon, Fille Cayetano at skipper Maica Morada.
- Latest