Arellano, Mapua nagpalakas
MANILA, Philippines - Kapwa itinala ng Chiefs at ng Cardinals ang kanilang pangatlong sunod na panalo para palakasin ang tsansa sa Final Four ng 91st NCAA men’s basketball tournament.
Inilampaso ng Arellano University ang Lyceum, 97-83, samantalang tinakasan ng Mapua ang Jose Rizal University, 68-67 kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Kaagad kinontrol ng Chiefs, ang 2014 NCAA runner-up, ang laro patungo sa pagbaon sa Pirates sa 97-76 sa huling 1:52 minuto ng fourth quarter para iposte ang kanilang pangatlong dikit na panalo.
Isinalpak naman ni Mark Brana ang isang three-point play mula sa foul ni John Pontejos sa natitirang 5.9 segundo para tulungan ang Cardinals na resbakan ang Heavy Bombers.
Ito ang ikatlong sunod na panalo ng Mapua ni mentor Atoy Co para palakasin ang kanilang tsansa sa Final Four.
Naimintis naman ni John Grospe ang kanyang jumper sa pagtunog ng final buzzer sa huling posesyon ng Jose Rizal.
Tumapos si Brana na may 12 points at 8 rebounds matapos kumamada ng 10 points at 10 boards sa 70-65 pananaig ng Cardinals laban sa Perpetual Altas noong nakaraang linggo.
Humakot naman si Nigerian import Allwell Orae-me ng 19 points at game-high na 27 rebounds para sa arangkada ng Mapua, natalo sa Jose Rizal, 78-90 sa first round noong Agosto 11.
- Latest