Ayaw nang patagalin ng NU at Ateneo ang pagkikita sa Spikers Turf finals
MANILA, Philippines - Pagsisikapan ng Ateneo Eagles at National University Bulldogs na sel-yuhan ang pagtutuos para sa Spikers’ Turf Collegiate Conference title sa pag-asinta ng panalo sa mga katunggali sa semifinals ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Unang sasalang ang Bulldogs laban sa Emilio Aguinaldo College Ge-nerals sa ganap na alauna ng hapon bago sundan ng pagkikita uli ng UAAP champion Eagles at NCBA Wildcats dakong alas-3 ng hapon.
Dumaan sa limang sets ang Bulldogs bago ginapi ang NCAA champion na Generals, 25-23, 26-28, 25-18, 26-28, 15-11 at hindi malayong maulit ito lalo pa’t tiyak na ayaw ng EAC na agad na mamaalam sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng PLDT Home Ultera.
Si Howard Mojica ang tinutukoy ni NU coach Dante Alinsunurin na siyang dapat mapigilan matapos ang 35 puntos sa huling pagtutuos.
“Kung kailangan na siya na lamang ang depensahan namin ay gagawin namin mapigil lang siya,” wika ni Alinsunurin na nais ding makakuha uli ng magandang laro kina Fauzi Ismail, Madzlan Gampong, Francis Saura, Kim Malabunga at Bryan Bagunas na nasa double-digits sa huling laro.
Sasandalan naman ng Eagles ang 25-9, 25-22, 25-19 straight sets panalo sa Wildcats sa kanilang tagisan.
May kumpiyansa si Eagles coach Oliver Almadro na kayang walisin ng kanyang bataan ang best-of-three series ngunit hindi sila dapat mag-relax na siyang nangyari sa ikalawa at ikatlong sets sa Game One kaya’t napalaban pa sila.
“Kailangan lamang namin ng consistency,” wika ni Almadro. (AT)
- Latest