Gold at bagong RP record kay Obiena
MANILA, Philippines - Pinatatag pa ni Ernest John Obiena ang hangaring makalaro sa 2016 Rio Olympics nang itaas pa ang national record sa pole vault na itinala niya sa nakaraang 2015 Thailand Open Track and Field Championships sa Bangkok.
Hinigitan ni Obiena ng 10 centimeter ang kanyang dating 5:30-meter mark para magkaroon ng gintong medalya ang tatlong atleta na isinali ng PATAFA sa kompetisyong ginagawa mula Setyembre 6 hanggang 9.
Ang 5.40m bagong record ni Obiena ay kapos na lamang ng 30 sentimetro para maabot ang IAAF Olympic qualifying mark na 5.70m. Ito ang ika-12 pagkakataon na binasag ng 19-anyos mag-aaral ng UST ang kanyang personal best na nagsimula sa 4.90m.
Ang markang naabot ng Singapore SEA Games silver medalist ay nangyari dahil sa muling pagsasanay kay legendary pole vault coach Vitaly Petrov sa Formia, Italy noong nakaraang buwan.
Sina Junrey Vibas (decathlon) at Ryan Bigyan (400m run) ang dalawang iba pang atleta ng Pilipinas sa kompetisyon.
Tatlo lamang ang naisali ng PATAFA dahil karamihan sa mga national track and field athletes ay nasa kani-kanilang mother units sa AFP habang ang kauna-unahang Olympian ng bansa na si Fil-Am Eric Cray ay nagdesisyon na huwag nang sumali matapos kumampanya sa World Championships sa China na kung saan hindi siya pinalad na umabante sa heats sa paboritong 400m hurdles. (AT)
- Latest