Para sa pag-angat ng larong badminton
MANILA, Philippines - Dalawang bagay ang nais na makamit sa gaganaping Bingo Bonanza National Badminton Open sa dalawang palaruan sa susunod na buwan.
Sa pagdalo ng mga magpapalaro sa PSA Forum kahapon, sinabi ni Al Alonto, ang VP for operation and marketing ng Bingo Bonanza, na layunin nila ang tulungan na maitaas ang kalidad ng mga local players kasabay ng pagpapabangon uli sa sport sa madla.
“May mga foreign players ang maglalaro at magkakaroon ang mga locals ng pagkakataon na masukat ang kanilang abilidad sa paglalaro ng badminton. Sa taon ding ito ay magkakaroon ng dalawang venue at ang knockout stages ay gagawin sa Glorietta 5 Atrium para muling buhayin ang interes ng publiko sa badminton,” wika ni Alonto.
May P1.5 milyon ang premyong paglalabanan sa kompetisyong magkakaroon ng limang kategor-ya at gagawin mula Oktubre 11 hanggang 18.
Ang Rizal Memorial Badminton Hall ang pagdarausan ng qualifying rounds mula Oktubre 11 hanggang 14 habang ang quarterfinals, semifinals at finals mula Oktubre 15 hanggang 18 ay sa Glorietta gagawin.
“May mga nakausap na kaming players mula Guangdong, China at initially ay pumayag silang sumali. Hinihintay na lamang namin ang official communication na kasali sila,” pahayag naman ni Atty. Ponciano Cruz, team manager ng national team na nasa Forum din bukod kay Nelson Asuncion na siyang tournament director.
Ang mga kategoryang paglalabanan ay men’s at women’s singles, men’s at women’s doubles at mixed doubles at ang mga national team members ay lalaro dahil ito ay isa sa limang ranking tournaments ng Philippine Badminton Association (PBA). (AT)
- Latest