Wildcats sinibak ang Green Archers para sa huling tiket sa Final Four
MANILA, Philippines – Pinatunayan ng NCBA Wildcats na kaya nilang gimbalin ang La Salle Green Archers nang angkinin ang 30-28, 31-29, 25-21 panalo sa playoff ng Spikers’ Turf Collegiate Conference kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Ang mga guest players na sina Reyson Fuentes at Edwin Tolentino ay mayroong 13 at 12 puntos, habang panuportang 11 puntos ang inihatid ni Paul John Domingo upang biguin ang Green Archers at angkinin ang ikaapat at huling upuan sa Final Four sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng PLDT Home Ultera.
Ito ang ikalawang panalo ng Wildcats laban sa Green Archers matapos mailusot ang five-set win sa quarterfinals sa laro kung saan bumangon ang NCBA mula sa 0-2 iskor.
May 12 at 10 kills sina Tolentino at Domingo para pangunahan ang 43-39 kalamangan, habang si Fuentes ang nanguna sa depensa sa kanyang limang blocks tungo sa 8-5 bentahe.
Hindi na nakasabay sa dalawang departamentong nabanggit ay napuwersa pa ang La Salle sa 35 errors para tuluyang mamaalam sa liga.
Sina John Arjay Onia at guest player Michael Zamora ay may 14 at 10 puntos para sa Green Archers, hindi nakasama si Raymark Woo.
- Latest