Wiggins nagbida sa panalo ng Canada sa Olympic qualifying
MEXICO CITY – Kumamada si Minnesota Timberwolves star forward Andrew Wiggins ng 19 points para igiya ang Canada sa 112-92 panalo laban sa Puerto Rico at kunin ang kanilang ikatlong sunod na panalo sa Olympic qualifying tournament.
Nagdagdag sina Cory Joseph, Nik Stauskas at Kelly Olynik ng tig-15 points, habang may 13 si Brady Heslip at 11 si Philip Scrubb para sa Canadian team na may siyam na NBA players at paboritong manalo ng isa sa dalawang tiket para sa 2016 Olympic Games sa Rio De Janeiro, Brazil.
Nagtala naman si NBA guard Jose Juan Barea ng 20 points, 7 rebounds at 7 assists sa panig ng Puerto Rico.
Itinala ng Canada ang 3-1 marka sa Group B sa ilalim ng Argentina (4-0) at nakatakdang labanan ang Panama bukas sa second round.
Makakatapat naman ng Puerto Rico ang Mexico sa isa pang laro sa second round.
Samantala, nagposte si Luis Scola ng 26 points at 10 rebounds sa pag-akay sa Argentina sa 77-68 pananaig kontra sa Venezuela.
Nag-ambag si Andres Nocioni ng 21 points kasunod ang 12 ni Patricio Garino para sa Argentina, haharapin ang Uruguay sa second round.
Asam ng Argentina ang kanilang ikaapat na sunod na Olympics appearance.
Tumipa naman si Trevor Gaskins ng 23 points sa 89-72 panalo ng Panama laban sa Brazil, awtomatikong maglalaro sa 2016 Olympic Games sa Rio De Janeiro bilang host nation.
- Latest