Training center sa Clark ipu-push ng PSC at POC
MANILA, Philippines - Isang pagpupulong sa hanay ng mga opis-yales ng POC, PSC at Clark International Airport Corporation (CIAC) ang binabalak na gawin upang muling pag-usapan ang planong pagpapatayo ng makabagong training center sa Clark, Pampanga.
Mismong si Pampanga Representative Joseller “Yeng” Guiao ang nagsabi ng kanyang kahandaan na pulungin ang lahat ng sektor para matuloy ang nauudlot na plano na ang makikinabang ay ang mga pambansang atleta.
Umatras ang POC sa pangunguna ng pangulong Jose Cojuangco Jr. at PSC sa pamumuno ng chairman Ricardo Garcia sa planong gamitin ang 50 ektaryang lupain ng pag-aaari ng CIAC matapos ipahayag ng CIAC board na ipauupa nila ito sa halagang P150,000.00 kada ektarya.
Lalabas na P7.5 milyon ang perang kailangang ilabas sa isang taon at malayo sa naunang inakala ng PSC na nasa one-peso-a year budget lamang.
“Hindi siguro,” wika ni Guiao sa katanungan kung nararapat ba ang malaking halaga na sinisingil ng CIAC sa PSC para sa gagamiting lupa sa pagpapatayo ng training center.
“Pareho naman go-vernment (agencies) ang nag-uusap. Kung ang development ng area ang pag-uusapan ay masusulit din ito. Kailangan mag-usap uli. Kaya pa i-save ang project natin. We will meet with both parties ASAP,” pahayag pa ng Kongresista.
Kasama ni Guiao si Davao del Norte Congressman at House Committee on Youth and Sports chairman Anthony Del Rosario, Cojuangco, Garcia at CIAC president at CEO Igmidio Tanjuatco III na nagsagawa ocular inspection sa lupang inaasinta noong Marso.
- Latest