Rosario, Tautuaa magka-tropa na
MANILA, Philippines - Magpapatuloy ang samahan nina No. 1 overall pick Moala Tautuaa at No. 2 selection Jeth Troy Rosario.
Ito ay matapos aprubahan kahapon ni PBA Commissioner Chito Narvasa ang isang three-team, five-player trade na kinasasangkutan ng Talk ‘N Text, Mahindra (dating Kia) at NLEX.
Nakuha ng Tropang Texters ang 6-foot-6 na si Rosario mula sa Mahindra kapalit nina sophomore guard Kevin Alas at veteran forward Rob Reyes.
Matapos ito ay dinala naman ng Mahindra ni playing coach Manny Pacquiao si Alas sa NLEX Road Warriors para mahugot sina shooters Niño Canaleta at Aldrech Ramos.
Ang NLEX ay sister team ng Talk ‘N Text at Meralco.
Ilang araw bago ang 2015 PBA Rookie Draft noong Linggo ay ipinaramdam na ng Talk ‘N Text ang kanilang interes na maitambal si Rosario sa 6’7 na si Tautuaa.
Sina Tautuaa at Rosario ay miyembro ng training pool ng Gilas Pilipinas na nakita sa aksyon sa nakaraang mini tournament sa Estonia bilang paghahanda sa 2015 FIBA Asia Championships sa Changsa, China.
Si Rosario ang isa sa mga naging susi ng National University Bulldogs ni mentor Eric Altamirano para pagharian ang nakaraang UAAP season.
Bumandera din si Rosario sa Gilas Cadets team ni coach Tab Baldwin na nag-uwi ng gold medal sa nakaraang 28th Southeast Asian Games sa Singapore.
Inaasahan namang pipirmahan ni Tautuaa ang maximum allowable contract na ilalatag ng Talk ‘N Text.
Matatanggap ni Tautuaa, hinirang na No. 1 overall pick ng Tropang Texters sa 2015 PBA Rookie Draft, ang monthly basic pay na P150,000 sa unang taon, P225,000 sa ikalawang taon at P337,500 sa ikatlong taon para sa kanyang three-year deal na nagkakahalaga ng P8.55 milyon.
Mag-uusap sina Tautuaa at team manager Virgil Villavicencio sa Moro Lorenzo Sports Center sa loob ng Ateneo campus kung saan ipapakilala ang Chadron State University stalwart sa mga Tropang Texters.
Samantala, naghahanda naman ang Barangay Ginebra sa pagdating ni No. 5 overall pick Earl Scottie Thompson ng Perpetual Altas matapos pakawalan ang tatlong guwardiya.
Ibinigay ng Gin Kings sina guards Josh Urbiztondo, Emman Monfort at Jens Knuttel sa Barako Bull kapalit ni small forward Nico Salva at ng first round pick ng Energy sa 2016.
Kinuha din ng Barako Bull si guard Jeric Fortuna mu-la sa San Mi-guel kapalit ni guard Brian Heruela, unang naglaro para sa Blackwater. (RC)
- Latest