Fil-Am Lakers player Clarkson lalaro para sa Pinas?
MANILA, Philippines – May posibilidad na mapabilang sa Gilas Pilipinas ang Los Angeles La-kers Fil-Am guard na si Jordan Clarkson.
Si Clarkson ay darating ng bansa ngayon sa imbitasyon ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) para silipin ang pagsasanay na ginagawa ng national men’s team sa pagmamatyag ni coach Tab Baldwin.
Ayon sa SBP, ginawa nila ito matapos magpahayag ng interes si Clarkson na maglaro para sa pambansang koponan.
“As a proud Fil-Am, I look forward to my upcoming visit to the Philippines. The Pinoy fans have been very supportive of me all year long and I can’t wait to thank them in person,” wika ni Clarkson sa statement na inilabas ng SBP.
Ang SBP ay pinangungunahan ng negosyante at sportman Manny V. Pangilinan at isa sa pinatatakbong kumpanya na Smart Communication ang kumuha kay Clarkson para maging endorser.
Ang 23-anyos at may taas na 6’5” na si Clarkson na ang ina na si Annettee ay ipinanganak sa Angeles, Pampanga, ay nagtala ng 11.9 puntos, 3.2 rebounds at 3.5 assists sa unang taon sa Lakers.
Dahil sa magandang ipinakita, siya ay nasama sa 2014-15 All-Rookie First team.
Kapag napasok sa Gilas si Clarkson ay magiging naturalized player dahil wala siyang Philippine passport nang tumungtong sa edad 16 na alituntunin ng FIBA.
Makikita ang galing ni Clarkson sa national team kung matutuloy ang plano na isama siya sa 36th William Jones Cup Invitational sa Chinese Taipei mula Agosto 30 hanggang Setyembre 6.
Ito ang ikalawang pagkakataon sa taong 2015 na bumisita si Clarkson.
Noong Mayo unang nangyari ito dahil sa 3-day promotional tour kasama ang ibang NBA players. (AT)
- Latest