Grey iginiya ang West Team sa panalo; Bulawan nagkampeon sa slam dunk
MANILA, Philippines - Nagsalpak si Jonathan Grey ng St. Benilde Blazers ng dalawang krusyal na three-point shots sa loob ng pitong segundo, habang tumipa si Mark Cruz ng Letran Knights ng dalawang free throws para igiya ang West Team sa come-from behind 89-88 win laban sa East Squad sa 2015 NCAA All-Star Game kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Nahaharap sa seven-point deficit, 81-88, sa huling 28.5 segundo, kumonekta si Grey ng dalawang three-pointers para idikit ang West sa 87-88 agwat sa natitirang 14.9 segundo.
Matapos ang palpak na inbound play ng East squad ay nabigyan ng foul si Cruz ni Jamil Ortuoste ng San Sebastian sa three-point line sa huling 0.2 segundo.
Nagtabla naman sina Jebb Bulawan ng Lyceum Pirates at St. Benilde Blazers’ import Mustapha Yankee Haruna sa 29-29 sa finals ng Slam Dunk competition.
At may naisip si Bulawan na maaari niyang ikapanalo sa kanilang dunk-off ni Haruna.
Nilundagan ni Bulawan ang mga kakamping sina Joseph Gabayni at Shaq Alanes para isalpak ang kanyang two-handed jam.
Ang resulta nito ay tatlong perpektong 10 points para sa 22-anyos na tubong Sorsogon mula sa tatlong hurado.
Naimintis naman ni Haruna ang isang ‘between the legs dunk’ buhat sa pasa ng kakamping si Travis Jonson.
Ang unang dunk ni Bulawan ay sa nakaupong si Gabayni para makakuha ng 29 points.
Tinalunan naman ni Haruna ang kakamping si JR Ongteco para makatabla patungo sa kanilang dunk-off.
Sa Three-Point Shootout, tinalo ni Cruz si Wilson Baltazar ng Pirates, 18-9, sa finals.
Nauna nang nagsalpak si Cruz ng 26 points sa elimination round, habang may 22 si Baltazar.
WEST TEAM 89 - Grey 20, Cruz 10, Oraeme 10, Gabayni 8, Mejos 8, Munsayac 7, Nambatac 6, Alanes 4, Ongteco 4, Baltazar 3, Saavedra 3, Racal 2, Onwubere 2, Serrano 2, Nieles 0.
East Team 88 - Teodoro 17, Jalalon 12, Akhuetie 10, Guinto 10, Ylagan 6, Dela Cruz 6, Calisaan 6, Koga 5, Ortuoste 5, Salado 4, Sorela 4, Dela Paz 2, Abdul Wahab 1, Nicholls 0, Dagangon 0.
Quarterscores: 19-14; 41-38; 59-63; 89-88.
- Latest