James at Paras muling nagharap
MANILA, Philippines - Sa ikalawang pagkakataon ay muling nakalaro ni Kobe Paras si NBA superstar LeBron James ng Cleveland Cavaliers.
Nakaharap muli ng 17-anyos na si Paras ang 33-anyos na si James sa isang exhibition match ng Nike Rise Tour noong Huwebes ng gabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Kumpara nang magkalaban sila noong 2013 ay hindi na nangyari ang ginawang pag-dunk ng 6-foot-7 na si Paras sa 6’8 na si James.
Pinostehan lamang ni Paras ang four-time NBA Most Valuable Player sa huling bahagi ng laro ng Team Black at Team White.
Naimintis ni Paras ang kanyang fadeaway shot laban kay James.
Sa unang pagbisita ni James sa Manila noong 2013 bilang miyembro ng NBA champions na Miami Heat ay nilundagan ni Paras ang NBA star.
Ang naturang video ay naging viral sa YouTube.
Umaasa ang anak ni PBA great Benjie Paras na makakapaglaro siya sa NBA.
Nakatakdang maglaro si Paras para sa University of California Los Angeles (UCLA) sa US NCAA sa susunod na taon.
Samantala, ibinunyag naman ni James ang mga ritual na kanyang ginagawa sa dugout bago ang isang laro.
Itinuro rin niya ang ilang mga galaw na hinangaan sa kanya ng mga basketball fans sa buong mundo.
“More than teaching them skill sets, it’s about the inspiration that comes behind it,” sabi ni James.
“The stories that I can give them, tell them about the game. It’s up to them to use that, to better themselves. That is more important than anything else,” dagdag pa nito.
Kahapon ay nagtungo si James sa Tenement Court sa Western Bicutan para ilunsad ang isang bagong basketball court.
Iminarka niya ang kanyang mga kamay sa isang semento.
- Latest