Crawford itatapat kay Pacquiao?
MANILA, Philippines -Ikinukunsidera ni Bob Arum ng Top Rank Promotions si World Boxing Organization welterweight king Terence Crawford bilang susunod na lalabanan ni Manny Pacquiao sa susunod na taon.
Hindi ito itinago ni Brian McIntyre, ang boxing trainer-manager ni Crawford.
“Manny Pacquiao in March or April,” sabi ni McIntyre sa posibleng pagtataya ni Crawford ng kanyang WBO welterweight crown laban sa Filipino world eight-division champion na si Pacquiao.
Kasalukuyan pang pinapagaling ni Pacquiao, nagdadala ng 57-6-2 win-loss-draw ring record kasama ang 38 knockouts, ang kanyang kanang balikat matapos sumailalim sa surgery noong Mayo 7.
Ang naturang injury ay nalasap ng 38-anyos na si Pacquiao matapos matalo kay Floyd Maywea-ther, Jr. (48-0-0, 26 KOs) via unanimous decision noong Mayo 2.
Ang 27-anyos na si Crawford (26-0-0, 18 KOs) ay dating WBO lightweight titlist at isa sa mga kinatatakutan ngayon sa light welterweight division.
Ngunit bago isipin ni McIntyre na maitakda ang laban nina Crawford at Pacquiao sa susunod na taon ay dapat munang talunin ng American fighter ang Canadian challenger na si Dierry Jean (29-1-0) sa Oktubre 24.
Bukod kay Crawford, nababanggit din ang pa-ngalan ni British star Amir Khan (31-3-0, 19 KOs) para sa maaaring labanan ni Pacquiao.
Ngunit mas gusto ni chief trainer Freddie Roach na ilaban si Pacquiao kay WBC at WBA light welterweight ruler Danny Garcia (31-0-0, 18 KOs).
Itinuturing ni Roach na madaling laban ang 27-anyos na si Garcia para kay Pacquiao.
- Latest