Nationals haharap sa Iran sa Jones Cup
MANILA, Philippines – Lalabanan ng Gilas Pilipinas ang 2014 FIBA Asia champion na Iran sa 2015 William Jones Cup basketball tournament saTaipei sa Aug. 29-Sept. 6.
Maliban sa Iran ay haharapin din ng Gilas Pilipinas ang Japan at Chinese-Taipei sa nine-team event na lalahukan din ng mga club teams ng Korea, Russia, New Zealand at United States.
Muling maglalaro ang Nationals sa Jones Cup matapos noong 2013.
Hindi naidepensa ng Nationals ang kanilang Jones Cup crown noong 2013 nang kanselahin ng mga tournament organizers ang kanilang imbitasyon sa koponan.
Ito ay dahil sa pagkakapatay sa isang Taiwanese fisherman malapit sa Batanes.
Tinanggihan naman ng Gilas Pilipinas ang imbitasyon para maglaro sa Jones Cup noong 2014 at sa halip ay dinala ni coach Chot Reyes ang national team sa Europe para paghandaan ang FIBA World Cup sa Spain.
Ang nasabing invitational meet ay gagamitin ng Gilas Pilipinas ni mentor Tab Baldwin bilang isa sa kanilang tatlong warm-up tournament para sa 2015 FIBA Asia Championship sa Sept. 23-Oct. 3 sa Changsha, China.
Unang makakaharap ng Nationals ang Taipei sa Aug. 30 kasunod ang South Korea (Aug. 31), ang Spartak-Primorye ng Russia (Sept. 1), ang Japan (Sept. 2), ang Iran (Sept. 3), ang Wellington Saints ng New Zealand (Sept. 4), ang US team (Sept. 5) at ang Chinese Taipei-B (Sept. 6). (NB)
- Latest