4 powerlifters nakatakdang sumabak sa World Championship sa Praque
Apat na powerlifters ng bansa ang nakakuha ng upuan sa gagana-ping 15th Sub-Junior & 33rd Junior World Powerlifting Championship sa Praque, Czech Republic mula Agosto 30 hanggang Setyembre 6.
Mangunguna sa mga lifters ay ang 16-anyos na si Joan Masangkay na gumawa ng tatlong Asian records tungo sa tatlong ginto at isang pilak sa idinaos na Asian Powerlifting Championship sa Queen Elizabeth Stadium sa Hong Kong.
Ang 4’10” na si Masangkay na kumampanya sa 43-kilogram Sub-Junior division ay bumuhat ng mga bagong marka na 100kg sa squat, 105kg sa deadlift at 255kg. total. Ang pilak ay nakuha niya sa bench press na 50kg.
Makakasama ni Masangkay patungong Czech Republic sina Jasmine Martin, Jeremy Reign Bautista at Regie Ramirez.
Si Martin ang lumabas bilang third best lifter sa women’s junior 47kg. division sa nakuhang apat na ginto na 127.5 (squat), 55kg. (bench press), 145kg. (deadlift) at 327.5kg (total).
May dalawang ginto sa bench press (60kg.) at deadlift (120kg.) at dalawang pilak sa squat (110kg.) at total (295kg) si Bautista tungo sa second best lifter sa 52kg women’s Sub-Junior class habang si Ramirez ay mayroong tatlong ginto sa squat (220kg.), deadlift (220kg.) at total (575kg.) bukod sa bronze sa bench press (135kg.) sa 59kg. men’s open division.
Bagama’t mas mabigat ang laban sa World Championship ay may posibilidad na manalo rin ng medalya ang apat na ito dahil sina Masangkay at Bautista ay third best sa kanilang dibisyon.
Nasa pang-apat sa mundo si Martin habang ang beteranong si Ramirez ay nasa ikaanim na puwesto sa kanyang kategorya.
- Latest