Overall champion pa rin ang Philippine Swimming League sa Singapore Invitationals
MANILA, Philippines – Lahat ng manlalangoy na dinala ng Philippine Swimming League (PSL) ay humakot ng medalya para sa matagumpay na pagdepensa sa pangkalaha-tang kampeonato sa idinaos na 2015 Singapore Invitational Swimming Championship na ginawa sa Singapore Island Country Club.
May 36 ginto, 50 pilak at 31 tansong medalya para sa kabuuang 117 medalya ang naiuwi ng 67 manlalangoy ng PSL na nagluklok sa kanila bilang pinakamahusay na koponan sa ikatlong sunod na taon.
“This is the first time, lahat ng swimmers na isinali namin ay nanalo ng medalya. I’m proud of these swimmers who swam beyond their best and the coaches na nakatulong para lahat ay manalo,” wika ni PSL president Susan Papa.
Nanguna sa mga isinabak ng PSL sina Micaela Jasmine Mojdeh (girls’ 8-9), Kyla Soguilon (10-11), Gianna Millen Data (girls’ 16-17) at Charize Esmero (girls’ 12-13) na humakot ng tig-limang gintong medalya.
Sina Mojdeh at Soguilon ay nagtala ng mga bagong records sa torneo at ang una ay nakasira ng marka sa 100m breaststroke (1:34:85) at 50m butterfly (36.42) at ang huli ay may record sa 100m backstroke (1:16:78).
Ang dalawang nabanggit ay itinanghal din bilang Most Outstanding Swimmers gaya nina Marc Bryan Dula at Lee Grant Cabral.
“Malalakas ang kalaban kaya talagang masaya ang PSL at mayroon tayong MOS winners,” dagdag ni Papa na pinasalamatan din ang suporta ni dating Senadora Nikki Coseteng.
Hindi nagpahuli sa mga nagpasikat si Sean Terence Zamora na bumasag ng limang records sa boys’ 14-15 kategorya. Ang mga records niya ay ginawa sa 100m butterfly (1:01:27), 100m backstroke (1:02:95), 200m IM (2:16:75), 50m backstroke (29.48) at 100m freestyle (55.78).
Si Joseph Schooling, isang multi-gold medalist sa Incheon Asian Games at Singapore SEA Games, ang dating record holder sa naunang apat na events habang ang huli ay dating hawak ni Teo Zhen Ren ng China.
Ang iba pang gold medal winners ay sina Martin Jacob Pupos (boys’ 16-17), Aalia Jaire Espejo (girls’ 12-13), Stephen Guzman (boys’ 10-11), Nigel Romey (boys’ 12-13), Maxine Dalmacio (girls’ 10-11), Lee Grant Cabral (boys’ 8-9), Luis Joaquin Ventura (boys’ 10-11) sa individual events at sina Danica Mikaela Alba, Riandrea Chico, Aubrey Ybanez, Sophia Castillo at Isis Arnaldo sa team events.
- Latest