Manila West, Manila North nagparamdam sa FIBA 3-on-3
MANILA, Philippines – Malinaw ang mensahe ng Manila North sa kanilang kahandaan na tulungan ang nagdedepensang Manila West na mapanatili sa bansa ang titulo sa 2015 FIBA 3x3 World Tour Manila Masters.
Binuksan kahapon ang aksyon sa Robinson’s Place sa Ermita, Manila at sina Calvin Abueva, Vic Manuel Troy Rosario at Karl Dehesa ay nakitaan ng tibay ng dibdib para maitakas ang dalawang dikitang laro sa Pool B.
Kinapitan ng koponan ang dalawang free throws ni Vic Manuel sa huling pitong segundo para maitala ang 20-18 panalo sa Beirut Lebanon.
Sunod na ginulat ng Manila North ay ang dating world champion at No. 2 seed sa 12 koponang kalahok na Ljublijana Slovenia nang maipasok ni Troy Rosario ang tip-in para sa 17-16 panalo.
Lamang ang Slovenia sa 16-14 pero naitabla ni Dehesa ang laro sa 2-pointer. Sablay ang opensa ng dayuhang koponan upang mabalik ang bola sa huling play.
Mintis ang atake ni Manuel ngunit naroroon si Rosario para sa follow-up at ang Manila North ang nanguna sa Pool B sa 2-0 baraha sa palarong inorganisa ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) at suportado ng Smart, PLDT, Maynilad, MVP Sports Foundation at Wilson.
Pasok din ang Ljubljana sa 1-1, habang sibak ang Beirut sa 0-2 baraha.
Ang nagdedepensang Manila West na binubuo nina Terrence Romeo, KG Canaleta, Rey Guevarra at Aldrech Ramos ay may 2-0 sa Pool D matapos manalo sa Auckland New Zealand, 21-18, bago isinunod ang ikatlong local team na Manila South, 21-14.
Nangailangan ang Manila South na binuo nina Lucky Ecarma, Jair Ignam, Carlo Ortega at Joshua Sinclair na manalo matapos ang 14-21 pagyuko sa New Zealand team pero hindi kinaya ng mga 18-under players ang mas malalaki at mas may karanasan na katunggali para mamahinga na sa torneo.
Ang knockout round ay gagawin ngayong hapon sa pagtatapos ng kompetisyon at kalaro ng Manila North ang Kobe Japan na pumangalawa sa Pool C sa 1-1 karta. (AT)
- Latest