Ipadadala na lang ni Arum ang kanyang doktor kay Manny
MANILA, Philippines – Kung masyadong abala si Manny Pacquiao para sa kanyang mga gawain sa Pilipinas ay padadalhan siya ni promoter Bob Arum ng doktor para tingnan ang kanyang inoperahang kanang balikat.
“It’s fine with me if he’s not going to be here in the US at the end of the month because the doctor was amazed when he watched the three-minute self-rehab video of Manny,” pahayag ni Arum ng Top Rank Promotions sa panayam ng BoxingScene.com.
Nauna nang ikinagalit ni Arum ang kabiguan ni Pacquiao na bumalik kay surgeon Neal ElAttrache sa Kerlan-Jobe Orthopaedic Clinic sa Los Angeles para sa kanyang follow-up check-up noong Hulyo 4.
Ngunit kamakailan ay nagpadala ng video ang Filipino world eight-division kay Arum para ipakita ang ginagawa niyang rehabilitasyon sa kanyang kanang balikat.
Nagulat ang mga therapists sa magandang kalagayan ng balikat ni Pacquiao matapos itong sumailalim sa surgery noong Mayo 7.
“A doctor will go there in the Philippines in the next couple of weeks to evaluate Manny’s shoulder and I’m really optimistic about it,” sabi ni Arum.
Kumpiyansa si Arum na kaagaad makakabalik sa pag-eensayo ang 36-anyos na Filipino boxing superstar na nagkaroon ng right shoulder injury sa fourth round ng kanilang super fight ni Floyd Mayweather, Jr. noong Mayo 2 sa MGM Grand sa Las Vegas.
Tinalo ni Mayweather, nakatakdang lumaban sa Setyembre 12, si Pacquiao via unanimous decision.
Sinabi ni Arum na kailangan munang pagalingin ni Pacquiao ang kanyang rotator cuff bago nila pag-usapan ang susunod niyang lalabanan. (RC)
- Latest