3 Manila teams sasabak sa FIBA 3-on-3 ngayon
MANILA, Philippines - Makikilatis ang husay ng tatlong Philippine teams laban sa mga bi-gating dayuhan sa pagsisimula ngayon ng FIBA 3x3 World Tour Manila Masters sa Robinson’s Place Manila.
May siyam na dayuhang koponan ang bubuo sa 12 team tournament at hinati ang mga ito sa apat na grupo at ang ma-ngungunang dalawang koponan ang papasok sa knockout round bukas.
Tampok na koponan na magpapasikat ay ang nagdedepensang leg champion na Manila West na binubuo nina Terrence Romeo, KG Canaleta, Rey Guevarra at Aldrich Ramos.
Nasa Pool D sila at unang laro ay laban sa Auckland New Zealand sa ganap na ika-3:20 ng hapon bago isunod ang Manila South sa huling laro dakong alas-6:40 ng gabi.
Ang Manila South ay binubuo nina Lucky Ecarma, Jair Ignam, Carlo Ortega at Joshua Sinclair na mga nagtulong para magkampeon sa SBP-Talk ‘N Text Tatluhan.
Ang ikatlo at huling local team ay ang Manila North na kinakatawan nina Calvin Abueva, Vic Manuel, Karl Dehesa at Troy Rosario at sila ay nasa Pool B at unang laro nila ay kontra sa seventh seed Beirut Lebanon dakong alas-4:10 ng hapon bago isunod ang mabigat na second seed Ljubljana Slovenia dakong alas-5:40 ng hapon.
Ang world champion na NoviSad AlWahda ng United Arab Emirates ay kasali at ang top seeds ay nasa Pool A kasama ang Medan Indonesia at Longshi China.
Ang pumangalawa sa Manila West na Doha Qatar ay nasa Pool C kasama ang Kobe Japan at Kaohsiung Taipei.
Mas mahirap ang labanan ngayon dahil ang ibang koponan ay humugot ng mga imports tulad ng Doha na pinalakas ang koponan sa paghugot kay dating PBA import Sammy Monroe II at Dominic Davon James.
Ang Manila West at Manila North ay sumabak sa masinsinang pagsasanay para mapaghandaan ang matinding hamon dala ng mga katunggali.
Ang mangungunang dalawang koponan matapos ang dalawang araw na torneo ay papasok sa World Finals sa Abu Dhabi mula Oktubre 15 hanggang 16.
- Latest