30 golds tangka ng PSL tankers sasabak sa Singapore swimfest
SINGAPORE - indi bababa sa 30 gintong medalya ang target ng 67 tankers na lalahok ng Philippine Swimming League (PSL) sa 2015 Singapore Invitational Swimming Championship na magsisimula bukas sa Singapore Island Country Club (SICC) dito.
Dumating na kahapon ng umaga ang delegasyon para may panahong makapagpahinga bago tuluyang sumabak sa kompetisyon na kung saan ang Pilipinas ang siyang back-to-back defending champion ng torneo. Ang host Singapore, China, Thailand, Vietnam, Malaysia, Great Britain at Netherlands ang ilan sa mga inaasahang magbibigay ng magandang laban sa hangaring mapababa ang Pilipinas sa inookupahang trono pero tiniyak ni PSL president Susan Papa na lalaban ang mga binitbit na manlalangoy.
“Lahat ng mga batang isinama namin ay palaban at makikipagsabayan para makakuha ng medalya. Alam nila ang responsibilidad nila para sa Pilipinas kaya naman kampante ako na makakapag-uwi kami ng hindi bababa sa 30 gold me-dals,” wika ni Papa.
Mangunguna sa koponan ang mga beteranong sina Sean Terence Zamora, Kyla Soguilon, Martin Jacob Pupos, Micaela Jasmine Mojdeh at Marc Bryan Dula.
Hindi naman pahuhuli ang mga nanalo sa Indian Ocean All Stars Challenge na sina Stephen Guzman, Paul Christian King Cusing at Aalia Jaire Espejo bukod pa kina Hong Kong Stingrays Championship gold medalists Charize Esmero, Jason Mirabueno, Ian Ferdinand Trinidad at Rio Lorenzo Malapitan.
Noong nakaraang taon ay humakot ng 69 ginto, 55 pilak at 37 tansong medalya ang PSL delegation at walang kaba ang mga opisyal na makakamit ang tagumpay matapos ang kompetisyon.
“Ang mga tankers na ito ay mga magagaling sa Pilipinas at ang paglahok sa international competition ay ang stage two sa PSL program para mas mahasa sila sa kompetisyon,” sabi pa ni Papa. Sina PSL secretary-general Maria Susan Benasa at coaches Alex Papa, Marlon Dula, Ephraim Samson at Joey Villa ang iba pang opisyales ng delegasyon.
- Latest