Philippine tracksters magsasanay sa US para sa Rio Olympics
MANILA, Philippines – Masinsinang pagsasanay sa US ang gagawin sa anim na atleta sa athletics para gumanda ang tsansa para makapasok sa Rio Olympics.
Ang mga locals na sina Marestella Torres, Mary Joy Tabal, Ernest John Obiena at Edgardo Alejan ay isasama kina Fil-Americans Eric Cray at Kayla Ri-chardson para magsanay sa US na balak simulan ngayong Agosto.
Sa mga pangalang ito, si Cray na nanalo ng dala-wang ginto sa Singapore SEA Games ay nakatiyak na ng upuan sa 2016 Rio Games sa larangan ng 400m hurdles.
Ang dating SEAG long jump queen na si Torres, marathoner Mary Joy Tabal, pole vaulter Obiena at 400m runner Alejan ay may mga sponsors na kaya’t handa na silang tumulak sa US.
“Ang plano ay papuntahin sila sa US at mag-stay sa loob ng three months para mag-training in preparation sa mga qualifying tournaments for Rio Olympics,” wika ni PATAFA secretary-general Renato Unso.
Sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na ang asosasyong pinangungunahan ni Philip Ella Juico kay American consultant Dick Beardsley sa lugar na kung saan puwedeng magsanay ang mga pambato ng bansa.
Idinagdag pa ni Unso na si Alejan ay hindi magsasanay sa 400m kungdi sa 800m distance na.
“Ang sponsor na tutulong sa kanya ang may gusto na sa 800m siya mag-training. May alam ang sponsor niya at sinabi nito na kung 47 seconds pa rin ang time niya sa 400m, hindi na ito magkakamedalya sa 2017 SEA Games na tama naman,” pahayag pa ni Unso.
Ang ibang atleta na maiiwan ay isasalang naman sa mga kompetisyon sa Thailand, Vietnam at iba pa upang mabigyan din sila ng tsansang makapasok sa Olympics.
“Hindi naman namin isinasara ang pintuan sa iba at itong anim lamang ang tinututukan para sa Rio. May mga nakalinyang tournaments pa kami na sasalihan para mabigyan sila ng chance na makaabot sa qualifying standards,” sabi pa ng PATAFA official. (AT)
- Latest