NU Spikers nakasiguro sa quarterfinals
MANILA, Philippines – Naghatid ng apat na blocks si Francis Saura habang sina Bryan Bagunas at Kim Malabunga ang nanguna sa pag-atake para ibigay sa National University Bulldogs ang 25-16, 25-14, 25-23 panalo laban sa NCBA Wildcats sa Spi-kers’ Turf Collegiate Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Ito ang ikatlong sunod na panalo ng Bulldogs para samahan ang pahingang Emilio Aguinaldo College Generals sa quarterfinals sa Group A sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng PLDT Home Ultera.
Tumapos si Saura taglay ang nangungunang 11 puntos habang tig-10 ang ibinigay nina Bagunas at Malabunga.
May 14 attack points sina Bagunas at Malabunga para sa 32-25 bentahe, habang may tatlong blocks pa ang huli upang hawakan pa ng NU ang 10-3 agwat sa departamento. Tumapos pa ang Bulldogs ng 9-3 sa serve upang makumpleto ang dominasyon sa Wildcats na natalo sa unang pagkakataon matapos ang tatlong laro.
Ang mga dating matitikas na guest players na sina Edwin Tolentino at Reyson Fuentes ay nagtala lamang ng tigatlong puntos at sila ay hindi na ginamit sa ikatlong set na kung saan pu-malag ang Wildcats ngunit kinapos din sa huli.
Nagtala naman ng 15 attack points at dalawang aces para sa 20 puntos si Johnvic De Guzman sa 25-17, 20-25, 25-18, 25-18 panalo ng St. Benilde sa Arellano Chiefs sa unang laro.
Ang guest player na si Francis Basilan at Ron Julian Jordan ay may lima at apat na blocks para bigyan ang Blazers ng 19-4 bentahe sa blocks upang trangkuhan ang panalo para makasalo sa pangalawang puwesto sa UP Maroons sa Group B. (AT)
- Latest