EAC Spikers pasok sa quarterfinals
MANILA, Philippines – Ikatlong sunod na panalo ang nakuha ng Emilio Aguinaldo College Generals sa Spikers’ Turf Collegiate Conference sa pamamagitan ng 25-22, 26-24, 25-17 tagumpay sa Mapua Cardinals kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Napalaban man sa second set ay sapat pa rin ang puwersa ng Ge-nerals upang maigupo ang Cardinals tungo sa straight sets panalo at manatiling nasa unahan ng Group A sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng PLDT Home Ultera.
Naghatid si Ho-ward Mojica ng 19 puntos at isa lamang ang hindi niya kinuha sa pag-atake habang sina Keith Melliza at Isarael Encina ay may 11 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod para sa panalo ng NCAA titlist.
Si Melliza ay mayroong limang digs at 11 excellent reception para pangunahan ang depensa ng koponan.
Ang Cardinals ay natalo sa ikatlong sunod na pagkakataon at nahaharap sa must-win sa huling dalawang asignatura para manatiling buhay ang paghahabol ng upuan sa quarterfinals sa 12-koponang liga.
Si Philip Michael Bagalay ay may 16 puntos, tampok ang 14 kills, pero ang sumunod na best scorer ng Cardinals ay si guest player Neil Flores sa kanyang walong puntos.
Sinuwerte pa ang Generals dahil nanalo ang FEU Tamaraws sa UE Warriors,19-25, 25-20, 25-19, 25-18 sa isa pang laro para umabante na rin sa quarterfinals.
Ito ang unang panalo ng Tamaraws matapos ang tatlong laro habang ang Warriors ay nakasama ng Cardinals sa 0-3 marka. (AT)
- Latest