Viloria nalo uli kay Soto
MANILA, Philippines – Sa huling dalawang minuto at dalawang segundo sa first round ay tinapos ni dating world two-division champion Brian ‘The Hawaiian Punch’ Viloria ang kanilang rematch ni Omar Soto ng Mexico.
Sa ikalawang pagkakataon ay muling tinalo ng 34-anyos na si Viloria ang 35-anyos na si Soto via first-round knockout sa kanilang 10-round, non-title fight kahapon sa Florentine Gardens sa Hollywood, California.
Nauna nang binigo ni Viloria (36-4-0, 22 KOs) si Soto (23-12-2, 15 KOs) mula sa kanyang split decision win noong Hulyo 10, 2010 sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Matapos ang ilang pormahan sa pagbubukas ng first round ay nirapido ni Viloria si Soto kung saan dalawang beses nitong pinatumba ang Mexican.
Nang makabangon si Soto ay pinatamaan naman siya ni Viloria ng isang left hook sa ulo na muli nitong ikinatumba kasunod ang pagpapahinto ni referee Zachary Young sa laban sa 2:02 minuto ng opening round.
Ito ang pang-apat na sunod na panalo ng 5-foot-4 na si Viloria matapos maisuko ang mga suot na WBA Super flyweight at WBO flyweight titles kay Mexican Juan Francisco Estrada via split decision noong Abril 6, 2013 sa The Venetian sa Macau.
Makaraang matalo kay Estrada ay tatlong sunod na panalo ang itinala ni Viloria, ipinanganak sa Honolulu, Hawaii at ang mga magulang ay tubong Ilocos Sur.
Umiskor si Viloria ng 10-round unanimous decision win laban kay Juan Herrera noong Marso 29, 2014, habang pinabagsak niya sina Jose Alfredo Zuniga at Armando Vazquez sa fifth at fourth round, ayon sa pagkakasunod, noong Hulyo 19 at Disyembre 6 noong nakaraang taon.
Sa kanyang pagpapabagsak kay Soto ay maaaring hamunin ni Viloria si undefeated WBC king Roman “Chocolatito” Gonzales ng Nicaragua.
Nakasama ni Viloria sa kanyang corner si Hall of Fame trainer Freddie Roach katulong sina assistant trainers Marvin Somodio at Ruben Gomez. (RC)
- Latest