Torres at Santos bigo sa ginto sa Singapore Open
MANILA, Philippines - Kailangang magpursige ang mga pambato sa women’s long jump event na sina Marestella Torres at Katherine Khay Santos kung nais nilang makuha ang gintong medalya sa gaganaping 2015 SEA Games sa Singapore.
Ito ay matapos na daigin sina Torres at Santos ng nagdedepensang si Maria Natalia Londa ng Indonesia sa pagsisimula kahapon ng dalawang araw na 77th Singapore Open Track and Field Championships sa Singapore Sports Hub.
Nagtala si Londa ng career-best na 6.50m sa ika-limang attempts para ilagay na lamang ang dating SEA Games long jump queen na si Torres at Santos sa ikalawa at ikatlong puwesto sa 6.42m at 6.40m marka.
Ito na ang ikalawang kompetisyon sa taon ni Torres at nanalo siya ng ginto sa Philippine Open noong nakaraang buwan nang makalundag ng 6.47m.
May dalawang buwan pa para maikondisyon nina Torres at Santos ang mga sarili upang pagsapit ng SEA Games ay mas handa na sila para maigupo ang hamon ni Londa na noong 2013 sa Myanmar ay nanalo ng ginto sa 6.39m lundag lamang.
Kinapos din si Patrick Unso sa hangaring unang ginto ng delegasyong ipinadala ng PATAFA nang malagay din lamang sa ikalawang puwesto sa paboritong 110-m hurdles.
Nanguna sa isinagawang heat, si Unso ay naorasan ng 14.37 segundo at kahit mabilis ito sa kanyang qualifying time sa pang-umagang karera (14.41), malayo ito sa determinadong Malaysia runner na si Mat Hassan Mohd Ajmal Aiman na may pinakamabilis na oras na 14.29 segundo.
Sina Jesson Ramil Cid at Narcisa Atienza ay nasalang din pero hindi pinalad na magkamedalya.
Ang SEAG gold medalist sa decathlon na si Cid ay sumali sa shot put at nakagawa siya ng personal best na 11.41m pero nangulelat sa limang sumali, habang si Atienza na panlaban sa heptathlon ay nalagay sa ikaapat na puwesto sa women’s javelin throw sa 37.25m. (ATan)
- Latest