Detroit sinilat ang Atlanta sa pagbibida ni Drummond
AUBURN HILLS, Mich. – Kumolekta si Andre Drummond ng 22 points at 13 rebounds para tulungan ang Detroit Pistons na talunin ang Atlanta Hawks, 105-95.
Nagtumpok naman si Anthony Tolliver ng 13 points at 10 rebounds para sa Pistons (29-45) na naipanalo ang lima sa kanilang huling anim na laro.
Si Reggie Jackson ay nagdagdag ng 12 points at 11 assists sa kabila ng pagkakaroon ng sakit.
Ito ang pangwalong sunod na pagkakabilang ni Tolliver sa starting line-up bilang kapalit ni Greg Monroe, may right knee injury.
Umiskor naman si Thabo Sefolosha ng 19 points sa panig ng Atlanta, habang humakot si Al Horford ng 16 points mula sa 8-of-11 shooting.
Naipatalo ng Hawks (56-19), nauna nang kinuha ang top seed sa Eastern Conference playoffs, ang dalawa sa kanilang huling tatlong laro.
Tumipa ang Pistons ng 10 sa kanilang unang 11 shots, kasama ang apat na 3-pointers at kaagad na nagtayo ng 25-14 abante sa first quarter bago nakalamang ang Hawks sa 52-50 sa halftime.
Naglista si Jackson ng 10 assists sa first half habang may 12 points si Horford para sa Atlanta.
Kumamada si Kyle Korver ng back-to-back 3-pointers para iangat ang Hawks sa third period, habang muling ibinigay ni Kentavious Caldwell-Pope sa Pistons ang kalamangan.
Binitbit ng Pistons ang 76-72 lead patungo sa fourth quarter at pinalobo ito sa 11 points para tuluyan nang iwanan ang Hawks.
- Latest