Ateneo- NU spikers sasandalan ng Cagayan versus Cignal
MANILA, Philippines - Makikita kung paano magkakatulungan ang mga manlalaro ng Ateneo at National University sa pagtutuos ng Cagayan Valley Rising Suns at Cignal HD Spikers sa pagsisimula ng Spikers’ Turf sa Linggo (Abril 5) sa The Arena sa San Juan City.
Ang Eagles at Bulldogs ang nagtuos sa championship sa UAAP men’s volleyball at nanalo ang una sa huli.
Ang kamador ng Ateneo na si Marck Jesus Espejo na MVP ng UAAP sa huling dalawang taon ay makikipagsa-nib-puwersa kay Peter Torres ng Bulldogs para sa hangaring tagumpay ng Cagayan sa walong koponang liga na inorganisa ng Sports Vision.
Ang laro ay magsisimula sa ganap na ika-9 ng umaga at ang Cignal ay ibabandera nina Reyson Fuentes, Alexis Faytaren, Jay dela Cruz at Lorenzo Capate Jr.
Ito lamang ang larong mapapanood sa pagbubukas ng Spikers’ Turf na handog ng PLDT Home Ultera at may ayuda pa ng Mikasa.
Ang anim na ibang koponan ay palaban din dahil nakuha nila ang iba pang matitikas na manla-laro sa kalalakihan.
Ang Instituto Estetico Manila Volley Masters na magtatangka na makuha ang ikalawang men’s title matapos pangunahan ang men’s division ng Shakey’s V-League noong nakaraang conference ay ibabandera ng MVP na si Jeffrey Jimenez bukod kina Jason Canlas at Ian Dela Calzada. (AT)
- Latest