IEM asam ang ikalawang sunod na korona
MANILA, Philippines – Dadaan sa mahirap na landas ang pagnanais ng Instituto Estetico Manila (IEM) Volley Masters kung ang paghablot ng ikalawang sunod na men’s volleyball title ang pag-uusapan.
Kasali ang IEM sa kauna-unahang Spikers’ Turf na magsisimula bukas at balak nilang masundan ang tagumpay na nakuha sa kauna-unahang men’s tournament ng Shakey’s V-League noong nakaraang conference.
Dumami ang makakalaban ngayon ng Volley Master dahil walong koponan ang kasali at nabawasan din ang kanilang puwersa dahil wala na sina Renz Ordoñez, Rudy Gatdula at Eden Canlas na isusuot ang uniporme ng Cagayan Valley Rising Suns.
Nasa koponan pa rin sina Jason Canlas, Karl Ian dela Calzada, Carlo Almario, Michael Conde at Jeff Jimenez na siyang Finals MVP.
Pero kailangan nilang makabuo ng magandang samahan sa iba pang kasapi na sina Reyvic Cerilles, Evan Raymundo, Salvador Timbal, Guarenio, Gianan, Jophius Banag, Carlo Cabatingan, Ivan Bacolod, Areem Tamayo at Kirk Biliran para maging solido ang puwersa ni coach Ernesto Balubar.
Inorganisa ng Sports Vision, ang iba pang kasali ay ang Cignal, Air Force, Fourbees, Ultera, Army at Champion Infinity na dating Systema Active Smashers na tinalo ng IEM sa tatlong laro.
- Latest