Adamson batters nakauna sa UP
MANILA, Philippines - Nagbigay lamang ng dalawang hits si Annalie Benjamen habang may dalawang RBIs si Krisna Paguican para pangunahan ang four-time defending champion Adamson Lady Falcons sa 6-0 shutout panalo sa UP Lady Maroons sa pagsisimula ng 77th UAAP softball finals kahapon sa Rizal Memorial Diamond.
May 12 strikeout pa ang beteranang si Benjamen para manaig sa tagisan nila ng rookie pitcher ng Lady Maroons na si Cochise Diolata na inulan ng siyam na hits sa 7-inning game.
Walong hits ang inangkin ng Lady Falcons sa ikatlo hanggang ikalimang innings para pasiklabin ang anim na runs na ginawa upang matabunan ang mabagal na panimula.
“Ang maganda sa mga players ay hindi nawala ang kanilang focus dahil sa mahabang bakasyon,” wika ni Adamson coach Ana Santiago na ang koponan ay napahinga sa loob ng 13 araw matapos ang 12-0 sweep sa double round elimination.
Si Paguican na nag-lalaro bilang outfielder ang naghatid ng kauna-unahang iskor sa laro sa palo ni Queeny Sabobo sa third inning bago nagpakawala pa ng two-run double upang papasukin sina Gelyn Lamata at Clariz Palma tungo sa 4-0 kalamangan.
Naka-double sa left field si Benjamen at pumasok sa palo ni Angelie Ursabia habang ang huli ang nagbigay ng pang-anim na run sa fielder’s choice.
Ito na ang ika-61 sunod na panalo ng Adamson at puwede na nilang angkinin ang titulo sa Game Two bukas (Huwebes). (AT)
- Latest