Bulls, Grizzlies sure na sa playoffs
MANILA, Philippines - Kapwa nakasiguro ng playoff spot ang Chicago Bulls at Memphis Grizz-lies matapos ang magkahiwalay na panalo nitong Lunes sa NBA.
Sa Chicago, dinala nina Nikola Mirotic at Pau Gasol ang Bulls sa 98-86 panalo laban sa Charlotte Hornets kasabay ng pagbabalik ni Jimmy Butler sa court.
Umiskor si Mirotic ng 14 sa kanyang 28 points sa fourth quarter para sa pagsikwat ng Bulls sa isang playoff spot.
Humakot naman si Gasol ng 27 points at 12 rebounds sa pagtabla ng Chicago sa Toronto sa third place sa Eastern Conference.
Nagdagdag si Butler ng 19 points mula sa 6-of-20 shooting matapos magpahinga ng 11 laro bunga ng sprained left elbow.
“It was great to have him back,’’ sabi ni Bulls coach Tom Thibodeau kay Butler. “He had a bunch of bunnies that he always makes, so his timing was not quite there but I thought as the game went on, he started to get into a rhythm.’’
Naglaro ang Bulls na wala si center Joakim Noah na masama ang pakiramdam ngunit nakabangon sila sa 107-91 kabiguan sa Detroit noong Sabado.
Tumipa si Kemba Walker ng 29 points at may 15 si Mo Williams sa panig ng Hornets, naglaro na wala si Cody Zeller (may right shoulder injury) at nagtala ng mahinang 34.6 percent fieldgoal.
Hindi rin naasahan halos ng Charlotte sa second half si Al Jefferson na namamaga ang tuhod.
Sa New York, pinitas ng Grizzlies ang isang playoff spot sa ikalimang sunod na season matapos talunin ang New York Knicks, 103-82.
Kumamada si Zach Randolph ng 23 points at may 21 si Marc Gasol para sa Memphis.
Nagtala ang Grizzlies (50-21) ng 52 percent fieldgoal para sa kanilang pangatlong sunod na panalo.
Nag-ambag si Vince Carter ng 14 points, habang may 12 si Jeff Green at 10 si Kosta Koufos.
“This is the NBA,’’ sabi ni Randolph, humakot din ng 7 rebounds at 5 assists. “We have been together a long time and we have to keep playing. We know what we are playing and getting ready for.’’
Napuwersa ang New York (14-57) sa 17 turnovers para sa kanilang ikaapat na dikit na kamalasan.
Nagtala si Langston Galloway ng 19 points kasunod ang 18 ni Andrea Bargnani at 16 ni reserve Jason Smith.
- Latest