DeRozan, Hansbrough gumana para sa Raptors
TORONTO – Ipinagpahinga ng Raptors si All-Star guard Kyle Lowry sa kanilang pagharap sa koponang may pinakamasamang record sa NBA at wala silang hirap na nanalo.
Kumamada si DeMar DeRozan ng 23 points habang nagdagdag si Tyler Hansbrough ng season-high 18 markers para igiya ang Raptors sa 106-89 paggupo sa New York Knicks.
Ito ang pangatlong panalo ng Toronto sa kanilang huling apat na laro.
Sumakit ang likod ni Lowry, nakauniporme ngunit hindi naglaro sa kabiguan ng Raptors noong Biyernes laban sa Chicago Bulls matapos ang masamang bagsak sa kanilang laro laban sa Minnesota Timberwolves noong nakaraang Miyerkules.
Si Greivis Vasquez ang pumalit kay Lowry bilang starting point guard sa ikalawang sunod na laro.
“That’s our point guard, one of the leaders on this team,’’ sabi ni DeRozan sa kanyang teammate. “It’s definitely tough when you know you don’t have him out there. That’s when everybody else has to step up and do a little bit more to help us win.’’
Nagtala naman si Hansbrough ng 7-of-8 fieldgoal shooting at may 4-of-5 sa free throw line.
“Just his intensity, his activity, his energy, got us going,’’ ani Raptors coach Dwane Casey.
Hindi rin naglaro si Lowry nang labanan ng Raptors ang Knicks sa New York noong Feb. 28, ngunit nabigong talunin ng Atlantic Division leaders ang Knicks 98-103.
Kumolekta si Jonas Valanciunas ng 17 points at 10 rebounds samantalang nagdagdag si Lou Williams ng 13 points kasunod ang 12 ni Vasquez para sa 11-2 record ng Toronto laban sa mga nakalabang teams mula sa Atlantic Division.
Tumipa si Lance Thomas ng career-high 24 points at nag-ambag si dating Raptor Andrea Bargnani ng 16 sa panig ng Knicks na nalasap ang kanilang ikatlong sunod na kabiguan at pang-10 sa huli nilang 12 games.
Sa Oklahoma City, nagposte si Russell Westbrook ng 12 points, 10 rebounds at 17 assists para sa kanyang ikalawang sunod na triple-double at iginiya ang Thunder sa 93-75 panalo kontra sa Miami Heat.
Naglista si Enes Kanter ng 27 points at 12 rebounds para sa Oklahoma City, naipanalo ang kanilang huling tatlong laro.
Nag-ambag naman si rookie Mitch McGary ng 14 points kasunod ang 12 ni Anthony Morrow.
- Latest