Warriors sure na sa playoffs
OAKLAND, Calif. – Nang pumasok ang Golden State Warriors sa playoffs dalawang taon na ang nakakaraan, naiyak ang coach ng koponan noon na si Mark Jackson at nakipagkamay at niyakap ni team owner Joe Lacob ang mga players sa kaga-lakan sa locker room.
Dahil mataas ang expectation ng Warriors ngayong season, halos hindi nila naramdaman ang kanilang naabot.
Umiskor si Klay Thompson ng 26 points, nagtala si Stephen Curry ng 19 points at 9 assists at nakasiguro ang Warriors ng playoff spot nang kanilang igupo ang kulang sa taong Los Angeles Lakers, 108-105 nitong Lunes ng gabi.
Binati ni Curry ang kanyang mga teammates sa maigsing postgame speech ngunit walang naging selebrasyon sa pagkakataong ito.
“Why celebrate now and sell yourself short?’’ sabi ni Warriors forward Draymond Green na nagdagdag ng 16 points at 8-rebounds. “Continue to reach higher and higher. Maybe that’s where we were a year ago or two years ago, but now we expect (to make the playoffs).’’
Naiselyo ng Warriors ang kanilang postseason berth sa timeout sa huling bahagi ng second quarter nang malaman nilang natalo ang Oklahoma City sa Dallas, 119-115.
Nakalagay sa video-boards sa taas ng halfcourt ang ‘’CLINCHED’’ at binigyan ng mga fans sa napunong arena ang koponan ng standing ovation.
Tumingin lang ang mga players at itinuloy ang laro.
“This is a great sign that the players are taking it in stride. It means that this franchise has come an incredibly long way the last few years,’’ sabi ni first-year coach Steve Kerr na sa katunayan ay hindi alam na makakasiguro ng playoff spot ang koponan sa gabing ito kung hindi lang sinabi ng public relations official sa kanya bago magsimula ang laro.
Pumasok ang Warriors sa playoffs sa ikatlong sunod na season na huling nangyari noong 1975-77 at hangad nilang matapos na may best record sa NBA.
Ang Golden State (52-13) ay may 6 1/2-game na kalamangan kontra sa Memphis para sa top spot sa Western Conference.
- Latest